Sa napakaraming "student-teachers" na nakakahalubilo
niyo sa buong araw niyo sa klase, maaaring isa kami sa hindi niyo nagustuhan;
maaaring isa kami sa hindi niyo nabibigyang pansin tuwing nagtuturo; maaaring
isa kami sa kinaiinisan niyong "student-teachers;" maaaring isa kami
sa mga ordinaryong tao na nakikita't nakakaharap niyo, ilang minuto tuwing
lunes at martes, na sa tingin niyo ay wala kayong kapupulutan ng aral. Hindi
man sapat ang napakaikling oras upang makilala ang bawat isa sa inyo, sapat na
ang napakaikling oras na 'yon para mapamahal kami--bilang mga
"studen-teachers"--sa inyo.
Sa unang araw ng pagpasok namin sa inyong klase, hindi mawari ng
nangungusap naming isipan kung bakit ganoon na lang kayo kagulo. Marahil, dahil
sa kayo'y napabilang sa pangalawa sa pinakahuling seksyon sa ikawalong baitang,
ang mga ugali niyo'y hindi matawaran sa kakulitan at ang mga pag-iisip niyo'y
kasimbagal umusad katulad ng pagong. Batid naming hindi kayo ganoon ka-interisadong
matuto sa mga bagay-bagay sa mundo (ni iilan lang ang nais makinig sa'min sa
t'wing kami'y nagtuturo). Batid din namin na sa murang edad at isipan niyo'y
nais niyo lang ang magliwaliw--walang pakialam kung may guro sa harapan, o
wala. Masakit isipin na sa mga nababatid naming ito, maaksaya lamang ang
pagpunta niyo sa paaralan. Na masasayang lamang ang mga paghihirap ng inyong
mga magulang sa pagtataguyod sa inyo sapagkat ni wala man lang silang makitang
katiyagaan at kasipagan niyo sa pag-aaral. Iyon ay mga pagwawari sa loob lamang
ng isang araw na pagkikita. At ang mga basihan? Napakarami. Iilan na lamang ang
paglabas pasok sa loob ng klase, paghiyawan kahit pa may guro sa harapan, at
paikot-ikot na paglakad sa apat na sulok ng silid-aralin na wari'y 'di mapakali
sa kinalalagyan. Ito ma'y napakababaw na basihan na maging marahil ay
ordinaryong kinagawian na ng mga mag-aaral, masasabi naming malaki ang
naiaambag nito sa pagtuklas ng inyong mga buhay-buhay.
Ilang araw ang lumipas at ipinaranas niyo sa'min kung gaano kayo
kagulo, kaingay, kakulit, at kung gaano katigas ang inyong mga ulo. Sa
pagtanong-tanong sa mga guro, nalaman naming isa kayo sa pinakamahirap turuan
na klase. Marami sa napagtanungan at nakausap namin ang halos naisin na'ng
sumuko sa pagtuturo sa inyo. Sa pagtataka, nasaan na lamang ba ang dedikasyon
ng mga gurong ito sa pagtuturo sa kanilang mga mag-aaral? Ngunit hindi lang din
naman dapat isaayon ang pag-uumento sa iisang aspeto lamang. Sapagkat hindi sa
lahat ng bagay ay dapat isisi sa mga guro...kung bakit usad pagong ang
natututunan ng mga batang kagaya niyo. Kailangan niyo ng tulong--sa kahit na
anong aspeto ng buhay. Ngunit paano kayo mabibigyang tulong kung kayo mismo'y
di kayang tulungan ang inyong mga sarili?
Balikan natin ang mga araw kung saan isinuwalat niyo sa'min ang
tunay niyong mga ugali. Sabihin natin na normal na sa inyo ang pagiging
maingay. Subalit, normal din ba na kayo'y nagbabatuhan ng kung anu-ano sa loob
ng klase? Normal din ba na nagbabatukan kayo sa harap ng guro? Normal na
nagkakantahan at nagsasayawan kayo sa gitna ng inyong pag-aaral, kung kayo'y
nag-aaral ngang talaga? Normal ba na naghahampas kayo ng kung anu-ano sa sahig
habang may nagtuturo sa harapan? Normal din ba ang magsigawan kahit ang kausap
mo'y halos kaharap mo lang? At normal din ba na nagsusugal kayo sa isang sulok
ng silid-aralan na animo'y mga bihasa sa sugal kung umasta? Iilan lamang ito sa
mga bagay kung bakit kayo kinaaayawan. Ngunit tingnan niyo kami--inyo mga guro
at "student-teachers"--pilit kaming patuloy na pumapasok upang
magturo sa inyo. Hindi dahil sa kailangan, iyon ay dahil sa nananalig kami na
maging interisado kayo sa pagkatuto sa mga bagay na ituturo namin sa inyo. Dito
ko napatunayan ang dedikasyon ng iilan sa mga gurong aming nakahalubilo.
Nagnanais silang may marating kayo sa buhay, at maging kami ma'y nais kayong
magtagumpay. Kung kaya't sa halip na iwan kayo sa ere ay pilit naming
pinapasukan ang inyong klase. Iyon ay dahil sa napalapit na ang loob namin sa
inyo...napamahal na kayo sa amin...at nagmamalasakit kami't nagtitiwala sa inyo
sa kabila ng inyong mga kaligaligan.
Mga mag-aaral ng Batangas sa ikawalong baitang, darating ang araw
na kami'y hindi niyo na makakahalubilo. Darating ang araw na mababawasan ang
mga taong nagmamalasakit at nagtitiwala sa kakarampot niyong kakayanan. Nawa'y
minsan sa dako ng isip niyo'y inyong maunawaan ang kahalagan ng edukasyon sa
buhay. Nawa'y maisip niyo na kaming mga guro at "student-teachers" ay
nagpapakahirap sa pag-intindi sa inyo para lang may matutunan kayo sa amin. At
nawa man di'y maalala niyo kami bilang ate, kuya, kapatid, o kaibigan na
nagmamahal sa inyo sa paglipas ng mga panahon.
Ito'y hindi pagsiwalat sa mga kagawiang 'di ayon sa mata ng
nakararami. Ito'y isang anyo ng paglalantad kung gaano kadakila ang puso ng
bawat guro sa kanilang mga mag-aaral. At sa mga mag-aaral ng Batangas sa
ikawalong baitang, ang pagsisisi ma'y nasa huli, ngunit ang pagbabago'y laging
walang pinipiling araw.